At muling nabasag ang katahimikan...
Matagal na paghihimlay. Animo'y isang anino na biglang naglaho sa kadiliman at di na muling nagisnan pa. At kapagdaka'y marami ang nagtanong... nasaan na nga ba ako?
Isang paglingon sa pinagmulan. Isang mapait na alaalang muling sumasagi sa aking isipan. Bagama't ito ay matagal na't limot na ay di ko pa rin mawari na minsan ay naramdaman ko kung pano itapon ng isang lipon na minahal at inaring tunay. Isang tahanan na kung ito ay aking ituring. Ngunit isang araw na lamang ay magigising kang ika'y isinusuka na't ipinupukol sa kawalan. Sa alapaap na di mo alam ang patutunguhan. Isang piitan. Bangungot.
Ngunit ito ay nagsilbing isang paggising sa karimlan. Pagbangon at muling pagtayo sa pagkakalugmok. Taas-noong muling nilangoy ang pananalasa ng matinding alon. At nagisnan ang sarili sa isang matarik na hagdanang magdadala sa akin sa isang mataas na kalagyan. Bawat hakbang ko'y matinik at madugo. Mahaba ang paglalakbay. Nakakapagal at nakakalula.
Ngayon nga ay nasaan na ba ako? Narito. Sa tabi-tabi lamang. Umaaligid. Ngunit ang kaibaha'y nakatingin na lamang ako sa aking pinagmulang marapat na ako'y yumuko upang masilayan ang mga bagay na dati'y nakapagdulot sa kin ng saya. Ang mga iniwang bakas at mga lumot na inapakan. Ako. Na dating itinapo'y nakaluklok ngayon sa isang mataas na upuan. Ang akda kong ito'y para sa iyo...
Akin pa rin ang huling halakhak.